Paradigm Shift


Ano ba ang meron ang iba na wala tayo at pinipili nating makipagsapalaran sa ibang bayan?

Sabi ng maraming OFW, walang trabaho sa Pilipinas kaya sila nag-aabroad pero kung iisipin mo bakit naman ang ating mga kamag-anak na hindi nangibang bayan, may hanap buhay sa Pilipinas, kasama ang kanilang pamilya at masaya, hindi nahohomesick, hindi umiiyak gabi-gabi, kumakain tatlong beses isang araw at may merienda pa, napag-aaral ang mga anak at hindi naman sila naghihikahos sa buhay? Ang sagot diyan, gusto natin ng mas magandang buhay para sa ating pamilya kaysa sa tinatamasa na natin bago pa tayo umalis sa Pilipinas. Isa pang dahilan ay gusto natin magkabahay at lupa, makanegosyo, gusto natin mapag-aral ang ating mga anak sa pribadong paaralan at mahaba pa ang listahan ng mga gusto natin sa buhay, tama ba?

Ang tanong, nagiging mas maganda nga ba ang buhay ng ating pamilya kumpara sa ating mga kamaganak na walang kapatid, ina, ama, kuya o ate na nasa abroad? Oo, maari, siguro ngunit may kulang at iyon ay pagkakabuklod-buklod ng pamilya. Kinakailangang magsakripisyo, humiwalay at lumayo upang matamasa ang mas magandang buhay.

Nuong isang taon tinalakay ng PEBA ang theme na "Strengthening the OFW Families, Stronger Homes for a Stronger Nation" at sa ilang mga artikulong naisulat ng mga kalahok, sinabing maraming paraan upang makipagtalastasan sa mga mahal sa buhay sa tulong ng teknolohiya habang ang iba nama'y piniling isama ang asawa't mga anak dito sa ibang bayan, habang pinagsusumakipang maitaguyod sila.

Ilang taon ka na bang nasa Saudi, sa Amerika, sa Singapore, sa Dubai, sa Italy? Gaano kahabang panahon ka na bang malayo sa iyong pamilya at nakukuntento sa isang beses isang taon ninyong pagkikita? Totoo pa ba sa iyo ang iyong layunin na kaya ka umalis ng Pilipinas ay upang mabigyan ng magandang buhay ang iyong pamilya? Ano na ang iyong rason at halos isa o dalawang dekada ka nang OFW? Maganda na ang buhay nila ngayon, may bahay at lupa, sakahan, nakapagtapos na ang mga anak, mayroon na ring sariling negosyo at masasabing maalwan na ang pamumuhay. Ano pa ang dahilan at hindi mo maiwan-iwan itong greener pasture?

Mahirap bang iwanan ang mas magaang pamumuhay sa ibang bansa kumpara sa Pilipinas na hindi mo alam kung ano ang iyong kahihinatnan pag-uwi mo ruon? O di kaya'y takot kang umuwi dahil sa nakikita mong sistema na mayroon ang bansa natin. Ano ba ang imahe para sa iyo ng bansa natin sa ngayon?

Ayon sa balitang nakalap ng mga mamamahayag ng TFC at GMA at sa araw araw nating panonood, halos sinasabing magulo ang politikal na aspeto ng bansa, mataas ang krimenalidad, mababang moral ng mga tao, maraming nagugutom at walang tahanan, mataas na presyo ng gasolina at mga bilihin at kung anu-ano pang di magandang balita tungkol sa Pilipinas. Kalimitan ang mga magagandang balita ay natatabunan ng mga ito kaya halos hindi na napapansin at minsan nga kahit maganda na ay babatikusin pa sa halip na isulong ang mga magagandang nagawa upang magkaroon ng pagbabago. Papaano ba natin aasaming magbalik?

Ngunit kahit gaano man tayo katagal manirahan sa ibang bayan, gaano man kaganda at katiwasay ang ating naging buhay ruon, kahit gaano man kasama ang mga balitang ating naririnig tungkol sa Pilipinas, siguradong uuwi at uuwi pa rin tayo sa inang bayan na parang ibong muling magbabalik sa kanyang pugad, sa kanyang pinagmulan, sabik tulad ng isang batang nawalay sa kanyang ina at sa ating pag-uwi ay baon natin ang lahat ng kaalaman, kagalingan, at mga alaalang hindi natin malilimutan habang nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Ibang tao na tayo, pinagyaman ng karanasan at hindi na tulad ng dating Juan Dela Cruz nuong unang sumakay sa isang magarang sasakyang panghimpapawid. Mayaman na tayo sa kaalaman, pasal sa mga mata natin ang magandang sistema na mayroon ang bansang ating pinagtrabahuhan, nakita natin at natutunan natin ang kanilang kultura na kahit iba sa atin ay itinuturing nating kaaya-aya, nakatatak na sa isip natin kung papaano pinatatakbo ng kanilang gobyerno ang kanilang bansa at sinusunod ng mga tao kung ano ang batas at madalas ay naikukumpara sa mga batas na ipinatutupad sa Pilipinas. Masarap isipin na sa oras ng ating pag-uwi ay ganito na rin ang ating dadatnan. Halika mangarap muna tayo.

***
Balita sa pahayagan, radyo, telebisyon, facebook, twitter, at blogs na pinauuwi na ang lahat ng OFW sa Pilipinas. Marami nang hanapbuhay, malinis at maganda ang kapaligiran, tapat ang gobyerno, mayaman ang agrikultura at maraming pagkain para sa lahat, maayos at mabilis ang transportasyon, nasolusyunan na ang polusyon sa tubig at maari na muling paliguan ng mga bata ang mga ilog, mababa ang antas ng krimen at sumusunod sa batas ang lahat ng tao, maganda ang sistema ng edukasyon at lahat ay nakakapagaral, buong populasyon ay nakatala at may kanya kanyang health card, mabilis umaksyon ang kapulisan at mga mambabatas, labas pasok ang mga negosyante sa isang magarang paliparan, at masayang namamaalam ang mga dayuhang bakasyunistang may pangakong pagbabalik. Ang dollar peso rate ay halos $1 to 5 PHP - malakas. Ang sarap mangarap hindi ba? Parang scene lang sa pelikulang Wall-E na sobrang saya ng mga tao ng malamang may buhay na muli ang mundo at maari na muling magsimula.


***

Ginising ko ang aking sarili sa pangangarap, sabi ko kung magkakaganito, siguradong kagyat kong papangaraping iuwi ang pamilya ko sa Pilipinas at hindi na muling lilisan pa para lamang maghanap-buhay. Ngunit hindi ito ang katotohanan, mukhang malayo pa tayo sa ganitong estado, marami pang palay ang itatanim at aanihin sa unti unting nauubos na palayan o bigas na aangkatin sa mga bansang tinuruan lang nating magtanim na ngayon ay sila na ang pinagkukuhanan natin ng makakain bago tayo makarating duon. Malaking bilang na ng populasyon natin ang nasa buong mundo, humigit kumulang labing isang porsyento ng kabuuang populasyon na umaabot na sa halos siyamnaput dalawang milyon, kalat kalat sa halos lahat ng mayayamang bansa sa bawat kontinente at sigurado ako, nakita na nila ang paraan ng pamumuno sa kanilang host country kaya ito maunlad at kung ano ang meron sila na wala tayo at kung ano ang meron sila na may roon tayo at kung ano ang kulang at bakit hindi nagiging epektibo ang ganitong sistema para sa Pilipinas.

Ayon sa mga eksperto, malaki ang epekto ng mentalidad ng isang tao upang umunlad sa kanyang pamumuhay at malaki rin ang epekto nito sa pag-unlad ng kumuninad at ng bansa. Kapag ang mga tao ay may positibong pananaw at binubulay bulay ang mga pangyayari sa kanyang pangaraw-araw na pamumuhay at sa kanyang kapaligiran at hindi nagpapadala sa sabi-sabi ng iba, may kahihinatnan ang kanyang plano at bawat planong ipinatutupad ng pamahalaan para sa mga mamamayan at bansa.

Ako at ang aking pamilya ay halos isang dekada nang pansamantalang naninirahan dito sa UAE. Wala sa plano na dito kami bumuo ng pamilya ngunit nagkataong dito kami naipadpad ng tadhana. Ang tanong ko sa aking sarili, ano nga ba ang magagawa kong pagbabago para sa Pilipinas kapag ako ay nagbalik? Isa lang ako sa maraming simpleng mamamayan na piniling maghanapbuhay dito sa Dubai at isa rin ako at nang aking pamilya sa maraming simpleng taong nakamalas ng magandang sistemang mayroon ang bansang ito. Kahanga hanga na sa loob ng tatlumpu't dalawang taon ay napaunlad ng bansang ito ang kanilang ekonomiya. Sa aking paninirahan sa UAE, naobserbahan ko ang positibong pananaw ng mga tao rito, lokal man o banyaga, namumuhay na magkakasama sa iisang bansa ng may pagkakaisa, kaayusan at pagsunod sa mga layunin at platapormang ipinatutupad ng gobyerno. Ang ibig sabihin ng kalayaan para sa kanila ay magawa ang nais nang hindi nakakasira ng lipunan.

Anong pagbabago ang maiiuuwi ko sa Pilipinas kapag ako’y nagbalik?


Sa aking pag-uwi dala ko ang malawak na pananaw sa malaking potensyal ng ating bansa para umunlad ngunit hindi ito maisasakatuparan kung ako'y nag-iisa ngunit kung ang halos labing isang milyong OFW ay uuwi ng Pilipinas at magsasabing positibo ang kanilang pananaw sa hinaharap ng kanilang kumunidad at bayan at mangangakong makikiisa sa pagsulong ng kaularan hindi malayong makamtan natin ito. Kung ang positbong pananaw ay maibabahagi natin sa ating mga mahal sa buhay at tulad natin ay yayakapin nila ang pagbabago, ang dalawang milyon ay magiging apat na milyon at kung ang ating mga kapamillya ay ipapasa ang positibong pananaw sa kanilang mga kaibigan at kakilala, ang apat na milyon ay magiging pangkalahatan. Kasunod ng pagkakaroon ng positibong pananaw ay ang kagyat na paaksyon nang naayon sa ikabubuti ng nakararami.

Tayo ang bagong henerasyon ni Juan Dela Cruz at ang Global Pinoy. Kung ang ating remittances ay umabot sa $11.35 bilyon hanggang July 2011 na sapat upang paangatin ang ekonomiya ng bansa, papaano pa kaya kung magbabago ang ating pananaw tungkol sa inang bayan at hindi basta huhusgahan tulad ng nakikita lamang natin sa telebisyon, malaki ang maitutulong nito kaantabay ng salaping ibinubuhos natin sa kabang yaman.

Muli kong uulitin, hindi ito maisasakatuparan kung hindi ito magsisimula sa pagpapaunlad ng ating mga sarili at pagbabago ng pamamaraan ng ating pag-iisip, kailangang simulan ito at ang oras ay ngayon na.

Ito po si Carla Roque para sa My Yellow Bells-Dubai at ito ang aking kathang lahok ngayon taon sa temang "Ako'y magbabalik, hatid ko ay pagbabago" ng Pinoy Expat Blog Awards.

Some inspirational word for you - I personally love this phrase: Gratitude and Paradign Shift

"Gratitude unlocks the fullness of life. It turns what we have into enough, and more. It turns denial into acceptance, chaos to order, confusion to clarity. It can turn a meal into a feast, a house into a home, a stranger into a friend. Gratitude makes sense of our past, brings peace for today, and creates a vision for tomorrow."-- Melody Beattie

My Yellow Bells

Carla is a lifestyle blogger based in Dubai who's thankful to call this ever-evolving city her second home. The pages of this blog are filled with stories about her expat life in the sandpit. It features dining and travel adventures in and around the city and beyond. It also features food recipes, parenting tips, and fashion style.

8 Comments

Please feel free to share your own story or views here.

Cheers
Carla

  1. Nakikiayon ako sa iyong pananaw: "magsisimula sa pagpapaunlad ng ating mga sarili at pagbabago ng pamamaraan ng ating pag-iisip". Gaya ng sa halip isisi sa gobyerno ang paghihirap ng bansa, ay iisipin ko unang-una kung paano ako makakatulong na may positibong paniniwala na kaya ko.

    You've got a vote from me on PEBA's page :-)

    ReplyDelete
  2. wow, sumali ka pala muli. ako di na.
    bumoto na ako, carla #23!
    good luck!

    ReplyDelete
  3. congratulations sa iyong entry :) mabuhay ang lahat ng ofws!

    ReplyDelete
  4. Hi Carla! Good luck on your entry! Naks naman, ang sipag magsulat :)

    ReplyDelete
  5. Nice entry. Good luck and God Bless :)

    ReplyDelete
  6. Napakaganda ng iyong mga sinabi. Nawa na kung sakaling pauwiin na ang lahat ng mga OFW ay magtulung-tulong ang bawat isa na mapaunlad pa rin ang ating bansa.

    God bless po.

    ReplyDelete
  7. I love your post! Sana manalo ka - we will celebrate!
    Yallah! Chibugan na!

    ReplyDelete
Previous Post Next Post